Minsan isang lunes ng tanghali, ako'y papunta ng eskwelahan. Sumakay ako sa isang jeep (karatig). Hindi pa nakalalayo ng andar ang jeep may dalawang batang mag-aaral na nasa tabi ng daan ang biglang sumigaw ng ganito: "Kuya pasabit naman!" Nasabi na lang ng driver, "Kakaawa naman, sige na nga, pasok na kayo, kung di lang maiinit." Samakatwid hindi na pinasabit ng driver ang dalawang bata bagkus pinasakay na niya ito sa loob ng walang bayad. Binaba na lamang niya ang dalawang bata sa tapat ng eskwelahan.
Sa di ko maipaliwanag na dahilan may naramdaman ako sa tagpong ito. hindi ko alam kung ano pero ito ang nakita ko.
May dalawang bata na pursigidong mag-aral kahit kainitang tapat, wala mang baon, ngunit handang makipagsapalaran para makapasok sa eskwelahan.
May isang driver na marahil mamasada pa lang ng mga oras na yun at ako pa lang ang pasahero, wala pa siyang kita pero bunsod ng habag nakagawa siya ng mabuti sa dalawang batang iyon. Hindi man siya mayaman pero sa pagkakataong iyon ay dalawang bata ang napaligaya niya.
Dalawang mukha ng katotohanan at kabutihan ng loob. Parehong partido nagdaranas ng kasalatan sa buhay, ngunit hindi naging hadlang para magpakita ng kabutihan.
Mapalad ako sa pagkakataong iyon na naksakay ako sa jeep na iyon. Nakasaksi ako ng magandang tagpo na harinawa ang aking hiling, ay maging tagpo rin sa buhay ng bawat tao.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment